Friday, March 25, 2016

Birthday Boy

Alas tres ng hapon. Wala sa plano ko ang sumali sa kung anong organisasyon o makipagkilala kahit kanino. Nagbabantay lang ako nun sa registration ng Pandayan ni Lino Brocka, nagpapaypay habang naghihintay ng mga bisita. Hindi ko alam kung bakit pero lumipad ang tingin ko sa orasan sa cellphone ko. Napatingin sa pasilyo ng Roque Ruaño at naisipang mag-text sa kung sino, ""pwede pong umattend ng meeting ninyo?""

Ilang minuto, dinala na ako ng mga paa ko mula Ruaño hanggang St. Raymund's at sa kinauupuan ninyo. Hindi ko nga alam kung bakit ba ako nasa Ruaño kanina, e. Hindi ko rin alam kung bakit nandito ako ngayon. Sa harapan mo.

Ang simple mo lang manamit. Akala ko pa noon, ikaw 'yung tipong malinis naman pero hindi talaga nagsa-sapatos. Naka-puting kupas na t-shirt ka lang, faded na pantalon, at tsinelas. May sling bag pa sa tabi. Para kang hinugot sa isang senti indie movie.

Gusto ko ang ngiti mo. At ang boses mong solid pa sa DJ sa radyo. May iba sa vibes mo kumpara sa ibang nakausap ko. Ewan ko, pero gusto ko kapag ikaw ang nagsasalita. Ang gaan lang. Hindi ko mai-describe nang maayos pero parang crossbreed ka ni John Prats at isang tipikal na taga-UP sa daldal at personalidad. Hindi ko ma-explain. Basta, iba.

Natutuwa ako tuwing ikaw ang nagsasalita. Malakas ang boses mo at laging malaman ang sinasabi. Gusto ko ang parang medyo ginulong buhok mo at ang sukat ng salamin mo sa mukha mo.

'Yung paraan mo rin ng pagta-type at pagcha-chat, nakakatawa, kasi iba rin sa kadalasan kong mga kausap. 'Yung iyo, kumpleto parati sa punctuations at kung ano-ano. Parang magpapasa parati ng research paper.

Ang haba mo rin parati sumagot at para akong nagbabasa parati ng mabilisang istorya. Ang sarap mong kausap. Hindi mo lang alam kung ga'no ako natutuwa sa mga ganun. Ang ganda parati ng choice of words mo. Hindi ka marunong magsulat, 'ka mo, pero mas marunong ka pang magkuwento sa mga ibang kakilala ko.

Akala ko dati, huli kong mahahawakan ang mga kamay mo nung nagkakilala tayo. Pero hindi pala, nung hinawakan mo ang mga kamay ko nung gabi sa mga bangko malapit sa BGPOP at ilawan tayo ng flashlight nung tinangka nating umupo sa gitna ng field.

Akala ko rin dati, hindi ako tutulad sa mga nagpi-PDA. Mga makakati af na taong ayaw ko. Pero naalala ko minsan, nilapitan tayo ng babaeng nagja-jogging at kinulbit ka, ""'wag niyo pong gagawin 'yan. Baka may paring dumaan."" Seryoso, na-drain ang kulay sa mukha ko nun. Pero natawa na lang ako. Wala naman tayong ginagawa nun. Nagtititigan lang naman tayo. *facepalm*. Hahahaha

Tsaka nung pumunta tayo sa isang cafe sa P. Noval. Tinatanong mo lang ako kung pa'no 'yung reaction paper ko tapos bigla mo 'kong kiniss. Natawa ako, swear. Out of the blue, kiniss mo ako. Pero mas natawa ako nung nilabas mo ang cellphone mo at ginoogle ang, ""how to kiss"".

Ang dami nating first. Sabay tayong natututo sa mga bagay-bagay. Mas marami kang alam at mas nakakatanda ka sa 'kin pero may mga bagay din palang nangangapa ka pa. Tuwang-tuwa ako habang pinapanood kang i-figure ang ibang bagay sa parehong paraan na natutuwa ako habang malinaw mong ipinapaliwanag sa 'kin ang mga bagay-bagay na 'di ko pa alam.

Lagi kong nafi-feel na para bang you deserve someone better. Minsan, naiisip kong phase lang ako sa buhay mo at may mami-meet ka pang someone na nasa lebel mo.

Masyado kang good to be true.

Pero paulit-ulit mo sa 'king pinaparamdam na pwede akong mahalin kahit walang magandang kahit ano sa 'kin. Sa ating dalawa, hindi totoong ikaw ang masuwerte na merong ako. Kasi ako talaga ang masuwerte, at merong ikaw.

Mahal na mahal kita.
Belated happy birthday, mahal ko.

Peach Mango Pie
2019
Faculty of Arts and Letters

No comments:

Post a Comment